MANILA, Philippines — Nasagip ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (WCPD) ang limang menor de edad na biktima ng online sexual exploitation ng kanilang magulang, kamakalawa sa Taguig City.
Batay sa report na tinanggap ni PNP-WCPD, director Brig. Gen. Arcadio Jamora Jr., ang mga biktima na pawang estudyante ay ginagamit mismo ng kanilang mga magulang upang ‘ikalakal’ online. Nasa edad 7-15 ang mga biktima.
Ayon kay Jamora, nakatanggap sila ng report mula sa Nordic Liaison Office sa pakikipag-ugnayan ng United Kingdom National Crime Agency na ilang menor de edad ay ginagamit sa online sexual exploitation ng kanilang sariling mga magulang.
Kumikita ang mga magulang ng biktima sa pamamagitan ng live streaming at recording ng mga malalaswang panoorin sa mga dayuhan.
Dahil dito, sinabi ni Jamora na ito ang kanilang naging armas upang masagip ang mga biktima.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa mga magulang.