3,737 daga, huli sa unang araw ng ‘Rat to Cash Program’ ng Marikina City

Nasa 3,700 na daga ang binayaran ng pamahalaang lungsod ng Marikina matapos ilunsad ang ‘Rat to Cash Program’ na naglalayong malabanan ang leptospirosis.
Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Iniulat ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na umaabot na sa 3,737 daga ang nahuli ng mga residente sa lungsod ng Marikina kasunod nang muling paglulunsad ng kanilang ‘Rat to Cash Program.’

Ayon kay Teodoro, ang naturang mga daga ay nahuli ng mga residente sa unang araw pa lamang ng pag-arangkada ng programa ka­makalawa, Set­yembre 14.

Nabatid na umaabot na sa humigit-kumulang sa P700,000 ang halaga nang binayaran ng lokal na pamahalaan, kapalit ng mga naturang daga, na maayos na ring nai-dispose sa ngayon.

Sinabi ng alkalde na ang programa, na unang inilunsad noong taong 2020, ay taun-taon na nilang isinasagawa nga­yon upang maiwasan ang pagkalat ng leptospirosis.

Sa ngayon aniya ay mayroong tatlong kaso ng leptospirosis sa lungsod, ngunit nilinaw na hindi sa Marikina nakuha ng mga pasyente ang kanilang sakit.

Dalawa aniya sa mga pasyente ay construction worker kung saan nagkaroon nang pagbaha sa lugar na kanilang pinagtatrabahuan habang ang isa naman ay factory worker.

Tiniyak din naman ni Teodoro na patuloy ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang mga pagbaha sa kanilang lungsod, kabilang na rito ang tuluy-tuloy na dredging na isinasagawa sa Marikina River.

Show comments