371 bilanggo pinalaya na!

Panibagong buhay ang kakaharapin ng mga pinalayang bilanggo sa kanilang pag-alis sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, kahapon.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Nasa kabuuang 371 ‘persons deprived of liberty (PDLs) o mga bilanggo ang mag-uumpisa na ngayon ng bagong buhay makaraang palayain na ng pamahalaan buhat sa ibat-ibang jail facilities ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Martes.

Sa isang simpleng programa sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na may mga susunod pang batch na inaasahan niyang mapapalaya rin sa darating na mga buwan.
Kabilang sa mga pinalaya ay 31 PDLs na napawalang-sala sa isinampang kaso laban sa kanila, 98 na nabigyan ng parole, dalawa sa ilalim ng probation, at 240 na napagsilbihan na ang kanilang sintensya.

Nasa 191 sa kanila ang mula sa NBP, 37 sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City, 45 mula sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF) sa Davao del Norte, 31 sa Iwahig Prison and Penal Farm (DPPF) sa Palawan, 30 sa Leyte Regional Prison (LRP), 18 sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Occidental Mindoro, at 19 sa San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga City.

Nasa 45 sa mga PDL na ito ay pawang mga ‘senior citizen’ na. Nasa 28 sa kanila ay galing sa NBP at ang 13 iba pa ay sa iba pang bilangguan.
“Wala ako maalaala ganitong kalaking numero kasi ito ang sabi nga na pinaka-una. Si­guro kung meron man hindi ko siguro panahon noon,” ayon naman kay BuCor Director General Gerald Q. Bantag.

Bukod sa kanila, tinata­yang 350 pang pangalan ang ipinadala sa Malacañang para sa ‘pardon’ at pagpapababa ng sintensya na aaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagselebra ng kaniyang kaarawan nitong Setyembre 13.

Show comments