Namemeke ng dokumento sa PWD ID, binalaan ng Quezon City government

Facebook comment dated February 2020 shows the same family's cards being reported by another entity.
Supplied

MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Quezon City government ang mga indibidwal na namemeke ng mga dokumento upang makakuha lamang ng persons with disability (PWD) ID, na sasampahan ng kaukulang kaso kasunod na rin nang pagkakaaresto sa isang umano’y fixer.

Noong Martes, ­inaresto ng Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO), sa tulong ng City Legal Department at Quezon City Police District (QCPD), ang isang indibidwal na nameke ng dokumento.

Isinumite umano ng naturang fixer ang pekeng medical certificates sa QCE-Services Portal para sa ilang nag-aaplay ng PWD ID, sa ilalim ng pagpapanggap na sila ay mayroong Diabetes Mellitus at Dyslipidemia.

Kinontak naman ng tauhan ng PDAO ang doktor, na sinasabing nagsagawa ng medical assessment para sa mga fictitious patients, at sinertipikahan nito, sa pamamagitan ng kanyang kalihim, na ang mga naturang pangalan na nakalagay sa naturang certificates ay wala sa kanilang database.

“The city government has been strict in assessing and processing all PWD ID applications to prevent this kind of false representations. Hindi natin papayagan ang ganitong klaseng gawain sa ating lungsod na makakaapekto sa kapakanan at karapatan ng ating mga mamamayan lalo na ‘yung mga nabibilang sa vulnerable sectors tulad ng PWDs,” ayon pa kay Mayor Joy Belmonte.

Nabatid na matapos na ilipat ng city government ang kanilang mga serbisyo online, madali nang matukoy ng PDAO ang mga taong nagtatangkang magsumite ng mga fictitious documents upang makakuha ng PWD ID na magagamit nila upang makakuha ng iba’t ibang discount at benepisyo.

Noong Hunyo, naaresto rin nila ang isang fixer na namemeke ng mga lagda ng mga medical professionals.

“Fully online na ang ­ating mga serbisyo, mula sa ID registration, business permit processes, at social services applications. Patuloy nating inaayos at pinapadali ang mga ito para maiwasan na ang mga fixer o middleman na mapagsamantala,” dagdag pa ng alkalde. Pinayuhan din niya ang mga PWDs na nais mag-aplay ng QC ID na magrehistro lamang online sa QC E-Services portal, o sa pamamagitan ng kani-kanilang District Action Offices o in-person sa QC PDAO District Offices at sa City Hall.

Show comments