Bangkay ng dalagang pinatay ng nobyo, natagpuang naaagnas na

MANILA, Philippines — Halos naaagnas na ang bangkay ng isang customer care assistant, na sinasabing napatay sa saksak ng kaniyang kasintahan, nang madiskubre sa loob ng inuupahan  nilang tahanan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Daisy Rose Pascual, 19, customer care assistant, at nangungupahan sa Atherton St., Phase 8, Brgy. North Fairview, QC.

Samantala, nadakip naman kaagad ng mga awtoridad ang kaniyang nobyong si Aivan Kim Balate, ng Brgy. North Fairview, QC, at siyang itinuturong suspek sa krimen.

Batay sa paunang ulat ng Fairview Police Station (PS-5), ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong alas- 7:23 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kaniyang unit sa nasabing barangay.

Ayon kay PCpl Alexis Mace Jurado, may hawak ng kaso, bago nadiskubre ang bangkay ay inutusan ng landlady na si Julie Gonato ang kaniyang caretaker na si Feli Pepe, na sirain ang padlock ng gate ng 2nd floor at buksan ang inuupahang silid ng biktima dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa loob nito.

Nang mabuksan ang pintuan ay dito na tu­mambad sa kanila ang bangkay ng biktima na halos naaagnas na kaya’t kaagad na inireport sa pulisya.

Mabilis ding inaresto ang suspek ngunit tumanggi itong magbigay ng pahayag hinggil sa krimen.

Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima ng kaniyang landlady noong gabi ng Agosto 31 kaya’t hinihinalang nasa anim na araw na itong patay bago nadiskubre ang kanyang bangkay, na nakitaan ng mga saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi.

Nakapiit na ang suspek na nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.

Show comments