Salpukan ng 2 motorsiklo: 4 katao sugatan
MANILA, Philippines — Apat na katao ang sugatan nang magsalpukan ang kanilang mga sinasakyang motorsiklo sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Vincent Ulysses Vargas, 25; Reanay Incensio Buenaventura, 16; Jayson Naraja Badal, 24, at Dionan Guban Cortez, 26.
Batay sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, dakong alas-11 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Congressional Avenue, kanto ng Hereford St. nasabing barangay.
Ayon kay PSMS Jayson Darriguez, bago ang aksidente ay sakay ng Kawasaki Rouser motorcycle (No. 610-PJO), si Badal, angkas si Cortez, at binabaybay ang kahabaan ng Congressional Ave., galing EDSA patungong Mindanao Ave., nang makasalpukan nito ang minamanehong Suzuki Skydrive motorcycle (No. 565-UCI) ni Vargas, na angkas naman si Buenaventura.
Dahil sa impact ng banggaan, pawang tumilapon ang riders at kanilang backiders at nagtamo ng sugat.
Kaagad naman silang naisugod ng ambulansiya ng Brgy. Bahay Toro sa Quezon City General Hospital upang malapatan ng lunas.
- Latest