MANILA, Philippines — Boluntaryong sumuko ang isang pulis na nasangkot sa indiscriminate firing sa Marikina City noong gabi ng Setyembre 1.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Nicolas Torre III, ang suspek na si PCpl. Felipe Pauig, 32, nakatalaga sa District Tactical Motorized Unit (DTMU), at residente ng Brgy. Tumana, Marikina City, ay nagtungo sa tanggapan ng kanyang superior sa PLtCol. Reynaldo Vitto sa Camp Karingal, Quezon City kamakalawa ng gabi upang sumuko.
Boluntaryo ring isinuko ni Pauig, na kasalukuyan nang nasa restrictive custody, ang kanyang service firearm.
Nauna rito, noong Setyembre 2, 2022 ay ipinag-utos ni Torre ang manhunt laban kay Pauig matapos na masangkot sa pagpapaputok ng kanyang baril kasama ang kanyang mga kaibigan na sina Jail Officer 1 Dolfino Gatan, na nakatalaga sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Bicutan, Taguig City at Jestony Pauig, security guard, ng Brgy. Tumana.
Sinampahan din siya ng Marikina Police Station ng kasong paglabag sa Art. 155 o Alarm and Scandal habang ang QCPD naman ang nagsulong ng pre-charge evaluation sa kanyang kaso upang matukoy ang kanyang administrative liability.