MANILA, Philippines — Maging si Muntinlupa Mayor Rufino Biazon ay hindi rin nakaligtas mula sa mga personalized spam text messages na nauuso sa ngayon.
Sa isang tweet nitong Biyernes, ibinahagi ni Biazon ang screenshot ng isang spam message na natanggap niya, at nagtataglay ng kanyang buong pangalan.
Sa naturang mensahe, sinabi ng hindi nagpakilalang sender na nanalo si Biazon ng P6,000.
Mayroon din itong ipinadalang link kay Biazon kung saan niya maaaring kubrahin ang kanyang napanalunang premyo.
“These spam messages have my data without my permission,” ayon kay Biazon.
Kaugnay nito, hinikayat din ng Muntinlupa City government ang publiko na huwag iki-click ang anumang spam text messages sa kanilang mga cell phones upang hindi mabiktima ng mga ito.
Una na ring umapela sa publiko si PBGen. Joel Doria, director ng police Anti-Cybercrime Group (ACG), na huwag na lamang pansinin ang mga naturang spam messages kahit pa mayroon itong pangalan nila.
“Scammers will employ different modus to get people to believe their lies to rob you of your savings. That is why ACG continuously reminds everyone to be vigilant and to be aware of the different tactics of fraudsters,” aniya.