Higit 2 dosenang tsuper huli ng I-ACT
MANILA, Philippines — Higit sa dalawang dosenang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan ang hinuli at tinikitan dahil sa sari-saring mga paglabag sa batas trapiko partikular na ang ginagawang terminal ang mga kalsada, sa ginawang operasyon ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa Pasay at Parañaque City kamakalawa.
Katuwang ng I-ACT sa panghuhuli ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine Coast Guard (PCG) kung saan halos karamihan sa mga nahuli ay ang mga pasaway sa ‘obstruction’ sa daan o ginagawang terminal ang kalsada. Dalawang jeep ang na-impound sa operasyon dahil sa wala ang drayber.
Liban dito, hindi rin pinalagpas ang mga pasaway na hindi gumagamit ng seatbelt, excess passengers, at maging walang dalang OR (Official Receipt) at CR (Certificate of Registration) sa sasakyan.
Samantala, ipinagpatuloy ng Task Force ang operasyon kahapon sa Pasay City laban sa mga iligal na terminal at para mapanatili ang kaligtasan ng mga ‘road-users’.
Nagsagawa rin ng random drug testing operation ang I-ACT katuwang ang Land Transportation Office, at Philippine Drug Enforcement Agency para sa mga drayber ng PUVs sa Araneta Bus Station kahapon ng umaga.
Higit 30 drayber ang sumasailalim sa testing na bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa ‘Drunk and Drugged Driving’ sa ilalim ng ‘Oplan Harabas’ ng PDEA at ‘Oplan Balik Eskwela’ ng Department of Transportation.
- Latest