SSS main office nasunog, data records ng members ‘di nadamay
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng pamunuan ng Social Security System (SSS) na walang data records ng kanilang mga miyembro ang naapektuhan ng isang sunog na sumiklab sa kanilang punong tanggapan sa East Avenue, Quezon City kahapon.
Sa isang pahayag, sinabi ng SSS na ang lahat ng payments ng kanilang mga miyembro ay kanilang tatanggapin at maayos na maipapaskil.
Tuloy rin anila ang paghahatid nila ng serbisyo sa lahat ng kanilang sangay.
“SSS assures the public that all member data records are not affected and there is no interruption in the delivery of its services in all branches and via online thru My.SSS, SSS Mobile App, and uSSSap Tayo portals,” anang SSS.
Ayon sa ahensiya, dakong ala-1:43 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa UPS room ng kanilang main office building.
Nagawa naman umano ng fire suppressant system ng gusali na ma-contain ang sunog upang hindi na kumalat pa sa ibang bahagi ng gusali.
Naideklarang fire under control ang sunog, na umabot lamang ng unang alarma, dakong alas-3:35 ng madaling araw.
Tuluyan itong naapula dakong alas-5 ng madaling araw.
Sa pagtaya ng Bureau of Fire Protection (BFP), aabot sa P700,000 ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa sunog.
- Latest