DSWD Central office, dinumog pa rin ng mga walk-in na kukuha ng ayuda
MANILA, Philippines — Sa kabila nang abiso na maagang ginawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na wala nang walk-in sa pagbibigay ng ayuda sa mahihirap na estudyante, dinumog pa rin kahapon ng mga claimants ang tanggapan nito sa Quezon City.
Kahapon ay marami pa rin ang nagbaka- sakali na makakuha ng ayuda sa DSWD office sa Barangay Batasan Hills kahit ang payout center ay nailipat na sa National Vocational Rehabilitation Center (NVRC) sa Project 4 para sa mga naka skedyul na makakuha ng ayuda.
Sinasabing ang mga dumagsa sa DSWD central office ay yaong mga mag-aaral na nakarehistro na para makuha ang ayuda sa ilalim ng educational asssistance ng DSWD pero hindi pa nakakatanggap ng confirmation text mula sa ahensiya kayat nagbakasakali ang mga itong pumunta sa ahensiya para makuha ang ayuda kahit walk-ins.
Magugunitang mula noong nagdaang Huwebes ay itinigil muna ng DSWD ang pamamahagi ng educational assistance at nagsabing wala ng tatanggaping walk-ins para makakuha ng ayuda dahil sa nagdaang pagdagsa ng maraming tao sa mga taggapan nito noong unang Sabado nang pamamahagi ng financial assistance .
Patuloy na nanawagan ang DSWD sa mga mag-aaral na kung nais makakuha ng educational assistance ay dapat munang magpa register online o mag-email sa [email protected]. Kailangan lamang ay school ID at enrollment form.
Maaari ring tingnan ang DSWD website sa facebook at sa iba pang social media accounts para sa iba pang detalye sa pagkuha ng ayuda.
- Latest