Social media influencer, 4 na Tiktokers kinasuhan
Sa ‘pagbalahura’ sa pera
MANILA, Philippines — Isang social media influencer at apat na Tiktokers ang ipinagharap na ng reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office makaraang mag-post ng videos online sa ‘pagbalahura’ o pagsira sa pera ng Pinas.
Ipinapakita sa mga ebidensyang video ang sadyang pagsira, pagpilas, pag-stapled at ginamit pang pamunas sa sapatos ang ibat-ibang peso bills.
Bukod nga sa nauna nang social media influencer na pinunit ang isang P20 bill sa kanyang video post, kasama rin sa inirereklamo ang isang magician na nilagyan ng butas ang isang P1000 bill ng kanyang ballpen, isa pang tiktoker na lalaki na ginamit ang isang 50-peso bill bilang funnel sa pagsasalin ng langis sa kanyang motorsiklo, ang isa na inistapled ang P100 sa plastic basketball rim at ang isa namang na ginawang pamunas ng kanyang sapatos ang dalawang 500 peso bills bago nito itinapon sa lupa.
Nauna rito, natukoy na ng PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) ang lima na sinampahan na ng reklamo ng pulisya at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon kay ACG director Brig. Gen. Joel Doria isa dito ay ang Syrian national na si Samer Ousta na nagmamay-ari ng account na @ForeignGerms na siyang pumunit sa P20 bill.
Ang apat na iba pa ay pawang Pinoy na kinilala ng PNP-ACG na sina Arnold Rogero na kilala bilang “Cholo TV,” Carl Romulo Quion or @carlquion, Richard Eramel, na si @ekongyahoo.com, at Joel Mallanao, na mas kilala bilang si @qyuarfheerzzchyam.
Ayon sa BSP na ang ganitong sadyang pagwasak o pagsira sa Philippine banknotes at maging sa coin ay may katapat na multa na hindi lalagpas sa P20,000 at/o pagkakulong na hindi hihigit sa limang taon.
- Latest