13-anyos nakaligtas sa pagdukot ng puting van sa Caloocan
MANILA, Philippines — Nakaligtas mula umano sa pagdukot ng mga kalalakihan na sakay ng puting van ang isang 13-anyos na dalagita habang papauwi nitong Martes sa Caloocan City.
Sinabi ni Maj. Brian Ramirez, Caloocan City Police Station (CCPS) Sub-station 6 (SS6) commander, bineberipika pa nila ang mga detalye mula sa biktima na ngayon ay nasa CCPS Women’s Desk.
Batay sa Facebook ng Sangguniang Kabataan (SK) ng Brgy. 162 lumilitaw na naganap ang insidente dakong alas- 2:30 ng hapon ng Martes.
Papauwi na ang biktima nang mapansin nito ang isang puting van na nakaparada sa harap ng Del Rey Village 3.
Tatlong lalaki ang lumabas sa van at pilit na isinasakay ang biktima. Subalit sumigaw ang biktima at humingi ng tulong na nakatawag naman ng pansin ng isang tricycle driver.
Bigo ang mga suspect na tangayin ang biktima. Agad namang naiuwi ang biktima.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Brgy. 162 sa tricycle driver na tumulong sa biktima. Posibleng may nalalaman pa itong ibang detalye sa insidente.
Ayon kay Ramirez sasailalim sa counseling ang biktima.
“Pinapaimbestigahan ko pa sa sub-station commander ‘yung pangyayari at nagpapaback-track ako sa mga CCTV footage doon sa area para maibangga doon sa sinasabi ng victim ,” ani CCPS Chief Col. Samuel Mina.
- Latest