MANILA, Philippines — Patuloy na kinakanlong ng Quezon City government ang may 643 indibidwal o may 211 pamilya mula sa Barangay Bagong Silangan na nabiktima ng matinding pagbaha dulot ng pag-uulan dala ng bagyong Florita.
Sa ulat ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office, ang naturang mga pamilya ay nailikas sa iba’t ibang evacuation centers habang lubog pa sa baha ang tirahan ng mga ito.
May 23 pamilya o 86 katao ang nailikas sa Isolation buiding sa Brgy. Bagong Silangan, 142 pamilya o 352 indibidwal ang nailikas sa Bagong Silangan Elementary School, 22 pamilya o 101 katao sa Sulyap ng Pag-Asa Multi-Purpose Hall, 14 pamilya o 74 indibidwal naman sa Bona Subd. Multi-Purpose Hall at 9 pamilya o 30 katao ang nailikas sa Bagong Silangan High School.
Naghihintay na lamang na humupa ang baha sa kanilang mga tahanan para makabalik sa kani-kanilang mga bahay.
May mga hot meals na naipagkakaloob ang lokal na pamahalaan sa mga evacuees habang nananatili sa mga evacuation center.
Noong kasagsagan ang pananalasa ni Florita na nagdulot ng mga pag-ulan sa QC, bukod sa Barangay bagong Silangan ay may 139 pamilya o 566 katao pa ang nailikas sa mga evacuation centers mula sa Brgy. Roxas, Brgy. Sta Lucia pero ang mga ito ay nakabalik na ng kanilang tahanan kahapon ng umaga.
Tanging ang mga binaha sa Brgy. Bagong Silangan ang nananatiling nasa evacuation centers at naghihintay na lamang humupa ang baha sa kanilang lugar para makauwi na rin.