Higit 6K estudyante, libreng nakasakay sa LRT-2

Batay sa datos, pinakamaraming estudyante ang nag-avail ng libreng sakay mula sa Marikina-Pasig Station na nasa 1,415, kasunod ang Antipolo Station na nasa 1,148.
STAR / Miguel De Guzman

Sa unang araw ng F2F classes

MANILA, Philippines — Iniulat ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na umaabot sa 6,555 estudyante ang nakapag-avail ng libreng sakay ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa unang araw ng pagbubukas ng klase sa bansa kahapon.

Nabatid na ang naturang bilang ay naitala ng LRTA mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang ala-1:00 ng hapon lamang nitong Lunes.

Batay sa datos, pinakamaraming estudyante ang nag-avail ng libreng sakay mula sa Marikina-Pasig Station na nasa 1,415, kasunod ang Antipolo Station na nasa 1,148.

Nasa 685 naman ang mga estudyanteng nakakuha ng libreng sakay mula sa Araneta Center-Cubao sa Quezon City; 658 mula sa Katipunan; 600 ang mula sa Recto Station sa Maynila; 450 mula sa Legarda Station; 440 mula sa Anonas Station; 328 mula sa Santolan Station;  285 mula sa V. Mapa Station; 210 mula sa Pureza Station; 139 mula sa Gilmore Station; 104 mula sa J. Ruiz Station at 93 ang mula sa Betty Go-Belmonte Station.

Alinsunod sa kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., ang libreng sakay ay sinimulang ipatupad ng LRT-2 kahapon, kasabay ng pagbubukas ng School Year 2022-2023 sa bansa.

Magtatagal ang free ride sa LRT-2 hanggang sa Nobyembre 5. Sakop nito ang mga estudyante sa preschool, elementarya, high school, technical-vocational at kolehiyo ngunit hindi kasama ang mga estudyante sa graduate schools.

Maaaring i-avail ng mga estudyante ang libreng sakay mula Lunes hanggang Sabado, maliban kung Linggo at holidays, mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-9:30 ng gabi.

 

Show comments