DSWD offices, dinumog sa ayuda
MANILA, Philippines — Dinumog ang main office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City ng mga kukuha ng educational assistance para sa mga kuwalipikadong mag-aaral.
Nabatid na hindi lamang ang main office ng DSWD ang dinagsa ng napakaraming tao na nagnanais na makakuha ng ayuda sa pag-aaral ng mga mahihirap na estudyante.
Maging ang mga tanggapan sa ibat-ibang panig ng bansa ay halos ganito rin ang naging tanawin.
May ilan pa nga na nagkaroon ng kaguluhan nang magkatulakan sa mahabang pila.
Magugunitang nauna nang inihayag ng DSWD na magbibigay sila ng ayuda sa mga mahihirap na mag-aaral para magamit ngayong pagbubukas ng klase.
Ilan sa pumila sa main office at nakipagsiksikan ay mula pa sa probinsiya habang ang iba naman ay Biyernes pa nagsipila.
Dahil sa rami ng pumila, naabot agad ang takdang bilang ang mga kukuha ng financial assistance kahapon at ang ibang hindi napabilang sa quota ay fill up na lamang ng form para sa kanilang pagbabalik sa DSWD.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, tatapusin agad nila ang pamamahagi ng educational assistance para makaabot bago magpasukan ang mga mag aaral.
Para sa mga indigent student na nasa elementary, makatatanggap ito ng P1,000 ayuda. Nasa P2,000 naman ang ayudang matatanggap ng mga high school students habang nasa P3,000 ang mga nasa senior high school. Nasa P4,000 ang matatanggap na ayuda ng mga estudyante na nasa kolehiyo. Hanggang tatlong mag-aaral sa isang pamilya ang maaaring makatanggap ng ayuda.
Kailangan lamang ng mga estudyante na mag-prisinta ng certificate of enrollment o registration at valid ID.
Qualfiied sa financial assistance ang mga estudyante na mahirap, bread winner, working student, ulila o inabandona ng mga magulang, anak ng solo parent at iba pa.
Ang pamamahagi ng ayuda ay nagsimula kahapon Agosto 20 at sa mga susunod pang araw ng Sabado hanggang sa Setyembe 24.
Samantala, agad naman tumulong ang Quezon City Government sa DSWD matapos ngang dagsain ang tanggapan ng mga kukuha ng ayuda.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ito ay para makontrol ang crowd at ang daloy ng trapiko sa bisinidad.
Ayon kay Belmonte, nagpakalat na ang lokal na pamahalaan ng mga tauhan mula sa Department of Public Order and Safety, Task Force Disiplina at Task Force on Transport and Traffic Management para dito.
Kaugnay nito, sinuspinde muna ng DSWD-National Capital Region (DSWD-NCR) kahapon ang pamamahagi ng educational assistance sa mga mahihirap na mag-aaral.
Ito ayon sa pamunuan ng DSWD-NCR ay dahilan sa bigo silang maipatupad ang health at safety protocols sa tanggapan nang dagsain sila ng mga kukuha ng ayuda.
- Latest