Las Piñas kinilala bilang ‘Safe City’ sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Ginawaran ng Philippine National Police (PNP) ang Las Piñas bilang ‘Safe City’ sa National Capital Region (NCR) sa idinaos na 121st Police Service Anniversary sa National Capital Region Police Office (NCRPO) Hinirang Hall, sa Taguig City, kamakailan.
Iprinisinta ni City Police Chief Colonel Jaime Santos ang plaque of recognition kay Mayor Imelda Aguilar nitong Agosto 15, na may lagda ni NCRPO Director Maj. Gen. Felipe Natividad.
Sa nakuhang tagumpay, malugod na binati ni Mayor Aguilar ang lokal na pulisya kaya naging mas ligtas na tahanan ang lungsod ng Las Piñas.
Sinabi pa ni Aguilar na ang parangal ay base sa performance ng pulisya kaya ang Las Piñas ang may pinakamababang bilang ng krimen.
Idinagdag ng alkalde na ang Las Piñas City Police ay nakapagtala rin ng pinakamalaking bilang nang naarestong suspek na sinampahan ng kaukulang kaso.
“Ipinagmamalaki ko ang ating Police Las Piñas at nagawa nila ang ating lungsod na maging “safe city” sa buong NCR at binabati ko rin si Col. Jaime Santos at ang ating mga kapulisan na nagpapanatili ng kaligtasan sa ating lungsod,” ani Mayor Aguilar.
Binigyang-diin ni Aguilar na ang 5K program (Kalusugan, Kaayusan,Kaalaman, Kalinisan,Kinabukasan) na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ay bahagi sa kanyang administrasyon na “Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo.”
Aniya malaking tulong sa puwersa ng lokal na pulisya upang maging mas ligtas na tirahan ang Las Piñas sa NCR sa pamamagitan ng police visibility at checkpoints sa koordinasyon ng mga barangay sa lungsod.
- Latest