MANILA, Philippines — Isa ang iniulat na nasawi sa naganap na sunog kahapon ng madaling araw sa Paco, Maynila.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Manila Fire Department, sumiklab ang apoy sa residential area sa may Fabie Street sa Brgy. 815 Paco dakong ala-1:17 ng madaling araw.
Dakong ala-1:27 ng madaling araw nang magdeklara ang BFP ng ikalawang alarma at umabot ng alas-2:04 ng madaling araw bago tuluyang nakontrol ang pagkalat ng apoy.
Sa mapping operation, dito nadiskubre ang bangkay ng isang residente na hindi nakalabas ng kaniyang bahay. Inaalam pa ang pagkakakilanlan sa nasawi.
Nasa walong firetrucks ang rumesponde sa insidente. May isa pa sanang parating na trak ngunit hindi na ito nakatuloy nang tumagilid sa may bahagi ng Pedro Gil Street sa Brgy. 866 sa pagmamadali.
Nakita sa kuha ng CCTV na mabilis ang takbo ng firetruck nang pagsapit sa isang interseksyon ay nag-alangan ito dahil sa trak na nasa kabilang lane.
Napakabig ang tsuper ng firetruck pakanan ngunit nalubak ito sa ginagawang bahagi ng kalsada dahilan para tumagilid.
Isang pampasaherong jeep na nakaparada sa lugar ang nasira ang unahan habang isinugod sa pagamutan ang apat na sakay ng fire truck na nasa maayos ng kalagayan.