MANILA, Philippines — Hinihikayat ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang at guardian na maagang i-enroll ang kanilang mga anak para sa school year 2022-2023 para sa pagbubukas ng eskwelahan sa August 22.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, mainam kung mag-enroll ng maaga ang mga bata para maihanda rin ng DepEd ang kanilang aasahan sa mga paaralan.
Paliwanag ni Poa, malaki ang naging pagkakaiba ng turnout ng mga mag-aaral ngayong taon kumpara sa nakaraang taon.
Sa unang linggo ng enrollment noong nakaraang taon ay umabot lamang sa 2.4 million ang mga enrollees habang ngayong taon ay 10.4 milyon na mag- aaral ang nagpatala sa unang linggo ng enrollment.
Sa ngayon, pumalo na sa mahigit 19.26 milyon ang nag-enroll para sa pagbubukas ng klase ngayong pasukan.
Ayon sa DepEd na maglulunsad sila at katuwang na ahensiya mula sa pampubliko at pribadong sektor ng Public Assistance Command Center sa Agosto 15, 2022, upang pangasiwaan ang mga alalahanin at isyu ng publiko tungkol sa pagbubukas ng klase.