‘Palakasan system’ sa PNP tutuldukan ni Azurin

Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr.
PNP PRO-1

MANILA, Philippines — Tutuldukan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang umanoy umiiral na ‘palakasan system’ sa placement o pagtatalaga, gayundin sa promosyon ng mga opisyal ng pulisya.

Kasabay nito, sinabi ni Azurin na titiyakin niya na iiral ang tama sa promosyon at pagtatalaga sa posisyon sa  PNP kung saan dapat manguna ang seniority at kakayahan ng mga police officers.

Ayon kay Azurin inatasan na niya ang Directorate for Personnel and Records Management  (DPRM) na gumawa ng long term plan sa nasabing programa.

“Para maiwasan natin ‘yung palakasan system sa promosyon ng ating mga PNCO’s  (Police Non-Commissioned Officers), ang DPRM ay dapat magkaroon ng 5 year recruitment , promotion and retirement plan”, anang bagong talagang PNP Chief.

“This will also give the leadership the glimpe sa financial requirement na kailangan  kung magre-request para sa taunang pondo sa personnel services “, ayon kay Azurin.

Ang palakasan system ay kapag ang isang opisyal ng pulisya na kuwalipikado sa posisyon ay na-bypassed ng may mga backers na maiimpluwensyang opisyal o personalidad.

Nangako rin ang PNP Chief na ipatutupad na may pagtalima sa batas ang kapangyarihan ng kaniyang tanggapan sa ilalim ng Section 26 ng Republic Act 6975 o ang Department of Interior and Local Government Act.

Bilang PNP Chief si Azurin ay may kapangyarihan na magdirekta, ikontrol ang mga taktikal gayundin ang mga istratehikong pagkilos, deployment, paggamit ng puwersa ng PNP o alinman sa units nito at mga personnels kabilang ang mga kagamitan, pasilidad at iba pang mga resources.

Si Azurin, isang low profile na PNP officer  ay siyang nahirang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr., para maging ika-28 th PNP Chief at kaunaunahan sa ilalim ng termino ng punong ehekutibo.

Samantalang tiniyak din ni Azurin na sa ilalim ng kaniyang termino bilang PNP Chief ang lahat ng mga PNP personnels  na nakatakdang mag­retiro ay makakatanggap ng lahat ng benepisyo para sa kanilang serbisyo publiko.

Show comments