1 tauhan nadawit sa droga
MANILA, Philippines — Ipinag-utos kahapon ni Northern Police District (NPD) director P/Brig. Gen. Ulysses Cruz ang pagsibak sa puwesto sa lahat ng opisyal ng Caloocan City Police Station (CCPS) Bagong Silang Sub-Station 13 matapos mahuli ang isa nitong tauhan sa buy-bust operation sa lungsod, kamakalawa.
Ayon kay Cruz, kabilang sa mga sinibak ay ang Sub-Station 13 Commander, Assistant Commander, Shift Supervisor at team members ng naarestong police officer. Ang mga ito ay dinisarmahan na at isinailalim sa restrictive custody habang gumugulong ang imbestigasyon sa kaso.
Nitong Huwebes ay nasakote ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa inilunsad na buy-bust operation ang suspect na sina Cpl. Mark Jefferson Lopez, 30, nakatalaga sa Sub-station 13 at kasabwat nitong si John Lester Lopez, 25 ng Brgy. Bagong Silang.
Ang mga suspect ay nakumpiskahan ng 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,400 sa ikinasang buy-bust operation sa panulukan ng Zabarte at Camarin Roads, Brgy. 172, Caloocan City dakong alas -5 ng hapon.
Nasamsam din mula sa mga suspect ang isang Glock 17 na baril na inisyu ng PNP, PNP identification card, isang cal. 45 pistol, dalawang magazine, 26 bala.
“We do not condone the wrongdoings and irregularities of our erring personnel, I assure the public that they will feel and face the full force of the law,” saad ng NPD Director.
Nahaharap ngayon ang mga suspect sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.
Inihayag ni Col. Samuel Mina, hepe ng Caloocan City Police na ang ipinataw na administrative relief sa mga opisyal ng nasabing himpilan ay alinsunod sa prinsipyo ng ‘command responsibility’ sa kabiguang imonitor ang illegal aktibidades ng isa nilang tauhan.
“Hindi ko kailanman tino-tolerate ang ganitong gawain ng ating kapulisan at sisiguraduhin natin na matanggal siya [Lopez] sa serbisyo para hindi pamarisan. Palaging magtrabaho ng maayos at tama at palaging isapuso ang disiplina para maiangat pa natin lalo ang antas ng seguridad dito sa lungsod ng Caloocan,” ayon kay Mina.