MANILA, Philippines — Target ng Department of Transportation (DOTr) na pagsapit ng taong 2024 at 2025 ay maging fully operational na ang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).
Ang MRT-7 na may 14 na istasyon at habang 22-kilometro, ang siyang magkokonekta sa North Avenue, Quezon City at San Jose del Monte sa Bulacan.
Ayon kay Transportation Undersecretary Timothy Batan, sa ngayon ay 60% nang tapos ang konstruksiyon ng proyekto.
Nais din aniya ng DOTr na makapagsagawa ng demonstration run para sa MRT-7 sa susunod na taon.
“So nakikita natin at tina-target natin na magkaroon ng tinatawag nating demonstration run para sa ating MRT-7 nitong 2023, at full operations ang ating tinitingnan para sa 2024 to 2025,” dagdag pa niya.
Kumpiyansa naman ang DOTr na sa sandaling makumpleto, mapapaigsi ng proyekto ang oras ng biyahe mula sa North Avenue hanggang sa San Jose del Monte ng hanggang 35 minuto na lamang mula sa kasalukuyang isa hanggang tatlong oras.