MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki na itinuturong sangkot sa cyber fraud kaugnay sa paggamit ng social media accounts ng ibang tao upang makapanghingi ng pera.
Dinakip ito sa ikinasang entrapment operation kamakalawa ng gabi sa Ermita, Manila.
Nakilala ang suspek na si Daniel Labartin, 23, ng Dagat-dagatan, Caloocan City.
Inireklamo siya ng magpinsang sina Mary Ruth Bangalan, 45, at Anthony Sevilla, 47, kapwa residente ng Tondo, Maynila.
Batay sa ulat ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART), unang iniulat sa kanila ng mag-pinsan ang paggamit umano ng suspek sa kanilang Facebook at Messenger account para makapang-scam.
Nanghihingi umano ang suspek gamit ang kanilang identity ng tig-P500 kanilang mga kaibigan at kaanak at idinadahilan na para ito sa kaniyang pagpapagamot sa isang sakit.
Dito nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng MPD-SMaRT sa pangunguna ni PCpt Joemar Mukarram dakong alas-8:10 ng gabi sa parking area ng Manila City Hall na matatagpuan sa Antonio Villegas St., sa Ermita.
Hindi na nakapalag ang suspek nang posasan siya ng mga pulis matapos na makipagkita sa mga biktima na nagpanggap na magbibigay ng pera. Isang unit ng cellular phone ang nakumpiska sa kaniya na gagamitin bilang ebidensya sa kaniyang krimen.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10175 Sec. 4 (a)(1) (Illegal Access) at Article 315 2(a) ng Revised Penal Code (Swindling/Estafa) sa Prosecutors Office ng Maynila.