MANILA, Philippines — Tatlo ang patay, kabilang ang dating alkalde ng Basilan, habang sugatan ang dalawa pa nang umatake at mamaril ang nag-iisang gunman na isang doktor, sa loob mismo ng campus ng Ateneo de Manila University sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City kahapon ng hapon.
Itinaon ang pamamaril bago magsimula ang graduation ceremony ng Ateneo Law School, kung saan si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sana ang magsisilbing guest speaker at sa kasagsagan pa ng pag-iral ng gun ban sa lungsod dahil sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong Lunes.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Brig. Gen. Remus Medina ang mga nasawi na sina dating Lamitan, Basilan Mayor Rosita Furigay, kanyang executive assistant na si Victor Capistrano, at ang nakatalagang guwardya sa Gate 3 ng AdMU na si Bandiola Jeneven, 35 anyos.
Ginagamot naman sa QCMMC ang sugatang anak ni Furigay na si Hannah, 25-anyos na nakatakda sanang magtapos sa Law School, gayundin ang naarestong gunman na nakilalang si Dr. Chao Tiao Yumol na matagal nang kaalitan ng mga Furigay.
Batay sa report ng QCPD, dakong alas-2:55 ng hapon nang maganap ang krimen sa parking lot malapit sa Gate 3 ng unibersidad sa tapat ng Aretè Complex.
Kadarating pa lamang sa lugar ng mga biktima para dumalo sa graduation ni Hannah nang bigla na lang sumulpot ang armadong si Yumol at kaagad silang pinaulanan ng bala, gamit ang isang baril na may silencer.
Rumesponde naman ang naturang guwardiya na naka-duty sa Gate 3 ngunit maging siya ay binaril ng suspek bago ito tumakas.
Ayon kay Medina, kinumander ng suspek ang isang sasakyan sa loob ng unibersidad kaya’t nagawa nitong makalabas ng campus.
Sa pagtakas ay may mga nasagi umano itong mga sasakyan kaya’t hinabol siya ng mga taumbayan at pinagtulungang gulpihin. Gayunman nakatakbo muli, pero nakorner na ng mga rumespondeng pulis at naaresto.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Medina na lumilitaw na may personal na alitan ang mga Furigay at si Yumol na nauwi pa ito sa pagsasampa ng kaso sa hukuman. Hindi rin umano nakapagpraktis ng pagdo-doktor ang suspek dahil sa mga Furigay.
Sinampahan pa ni Yumol ng kasong katiwalian si Furigay na inaakusahan niyang sangkot sa droga sa kanilang lugar.
Ani Medina, nagawang ipasok ng suspek ang dalawang baril nito dahil nakasakay lamang ito sa Grab car. Pagbaba ay nakihalubilo pa siya sa mga tao at nang mamataan ang target ay kaagad nang isinagawa ang krimen.
Samantala, sinabi ni Supreme Court (SC) Spokesperson Brian Keith Hosaka na masuwerteng nasa biyahe pa lamang si Chief Justice Gesmundo na magsisilbi sanang guest speaker sag radiation ceremony ng Law School sa Ateneo nang maganap ang pamamaril.
Ayon naman ni Atty. Mico Clavano mula sa Office of the Justice Secretary na nagpadala na sila ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) para tumulong sa isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Agad naman kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang krimen. Aniya, walang puwang ang ganitong mga karahasan sa lungsod.
“This kind of incident has no place in our society and must be condemned to the highest level,” pahayag ng alkalde.
Kaagad ring ini-lockdown ang unibersidad dahil sa insidente. Ipinasya rin ng pamunuan ng Ateneo na huwag nang ituloy ang graduation rites na idaraos sana ng alas-4:00 ng hapon, dahil sa insidente.
“Due to the incident at Areté, the 2022 Commencement Exercises of the Ateneo Law School scheduled for today, 24 July 2022, has been cancelled,” anunsiyo ng unibersidad sa kanilang official Twitter page.
“Ateneo is continuing to work with the police and other authorities to deal with the incident,” dagdag nito.
Tiniyak naman ni Medina na isolated case lamang ito at walang dapat na ikabahala ang publiko, lalo na sa SONA ng pangulo.
Related video: