Enforcer nakaladkad ng trike na sinita
MANILA, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng isang pasaway na tricycle driver makaraang masugatan ang isang traffic enforcer na nakaladkad ng kaniyang sasakyan nang magtangkang tumakas matapos na masita dahil sa illegal parking sa Sta. Cruz, Maynila.
Nasampahan na ng kasong “Reckless Imprudence Resulting in Physical Injuries” sa Manila Regional Trial Court ang suspek na nakilala si Jomar Flordeliza, nasa hustong gulang habang na-impound ang kaniyang minamanehong tricycle nang hindi siya makapagpakita ng lisensya at dokumneto.
Sa ulat ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), sinita nitong nakaraang Huwebes dakong alas-9 ng umaga ang suspek ni Andrei Lelis, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau dahil sa illegal parking sa may bangket sa Abad Santos at Hermosa Street sa Barangay 374.
Nang hindi makapagkakita ng lisensya, bigla umanong pinaandar at pinaharurot ng tsuper ang tricycle ngunit sumabit ang suot na kapote ng enforcer dahilan para makaladkad siya at magtamo ng pinsala sa katawan.
Agad ring nahuli ang suspek habang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Lelis na nilapatan ng paunang lunas at masuwerteng hindi na kinailangang maratay.
Dagdag na kasong “resistance and disobedience to person in authority” ang inihain laban kay Flordeliza.
- Latest