59 bagon ng MRT-3, puwede nang ibiyahe
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 59 ang bilang ng mga light rail vehicles (LRVs) o bagon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na maaaring bumiyahe sa kanilang linya.
Sa paabiso ng MRT-3, isa pang bagon ang natapos nang ma-overhaul at matagumpay na nai-deploy sa mainline noong Hulyo 18, 2022.
Sa kabuuan, 13 na lamang sa 72 bagon ng MRT-3 ang nakatakdang sumailalim sa overhauling.
Tiniyak naman ng MRT-3 na lahat ng mga bagon nito ay sumasailalim sa mga serye ng quality at speed tests bago patakbuhin upang masigurong ligtas sakyan ng mga pasahero.
Ang mga tumatakbong tren anila ay sumasailalim din sa regular na paglilinis at disinfection sa magkabilang dulong mga istasyon ng North Avenue sa Quezon City at Taft Avenue sa Pasay City.
Samantala, siniguro rin ng MRT-3 na tuluy-tuloy pa rin ang pagpapatupad ng COVID-19 health at protocols sa kanilang mga istasyon at mga tren, kabilang ang pagbabawal sa pagkain, pag-inom, pakikipag-usap, at pagsagot sa telepono sa loob ng mga tren.
Istrikto rin anilang ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng oras samantalang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield.
- Latest