MANILA, Philippines — Hinikayat ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang national government at iba pang local government units (LGUs) na magpatupad ng mga programa ukol sa urban farming gaya ng ginagawa ng pamahalaang lungsod ng Quezon.
Ayon kay Vargas, ito ay para makaagapay ang bawat pamilyang Filipino sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Binanggit nito na 2010 nang simulan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang naturang programa kung saan umabot na ito ngayon sa mahigit 160 organic farms sa backyards, daycare centers, churches, at communal spaces.
“This is a model of sustainability and self-sufficiency that can be adopted by the national government and other local government units,” dagdag ni Vargas.
Ayon kay Vargas, ang Sharon Farm sa District V na kanyang home district ay ikinukunsidera na community model farms ng lungsod sa ilalim ng GrowQC Food Security Program.
Nabatid na ang 5,000 square-meter farm ay nagsisilbing “feeder farm” na nagbibigay ng seedlings at iba pang agricultural inputs sa urban gardens at farms sa Quezon City.
Iminungkahi rin ni Vargas na gamitin ang national tax allocation (NTA) ng LGUs para tugunan ang napipintong food crisis.