MANILA, Philippines — Nakakasa na ang plano ng bagong pamunuan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pagpapalit sa mga maliliit na drainage system sa siyudad makaraan ang muling mabilis na pagbaha nitong mga nakaraang araw dahil sa buhos ng ulan.
Sinabi ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na mayroon silang inilatag na 10-year masterplan sa pagkontrol sa baha at kabilang dito ang pagpapalit na sa mga drainage na luma na at hindi na kaya ang volume ng tubig ngayon.
“Definitely kasama sa 10 year plan na palitan ang mga drainage na may kalumaan na at ‘di na angkop ang size. ‘Yun ang tinitingnan at meron nang propose upgrading para makatulong na maiwasan ang pagbabaha,” ayon kay Lacuna-Pangan.
Kabilang sa mga kalsadang biglang tumaas ang baha kahit bahagya pa lamang ang pag-ulan ay ang España, mga parte ng Taft Avenue, Roxas Blvd., at Rizal Avenue.
Nitong Miyerkules, nagbigay umano ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng libreng sakay sa mga pasaherong na-stranded dulot ng pagbabaha.
Habang hindi pa napapalaki ang mga drainage, patuloy naman umano ang ‘de-clogging operations” ng Engineering Office sa mga drainage at estero sa buong Maynila ngunit aminado siya na napakaraming basura na nalilikom sila na nagbabara sa mga ito.
Makikipag-koordinasyon rin umano sila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang sa oras na napakalakas ng ulan ay paganahin ang mga pumping stations para mapigilan ang pagtaas ng baha.