RTW warehouse sa Rizal tinupok ng sunog; may-ari nanlumo at hindi makapaniwala
MANILA, Philippines — Nasunog ang isang warehouse ng mga ready to wear (RTW) na damit sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal lagpas hatinggabi Miyerkules.
Agad namang rumesponde ang Bureau of Fire Protection Taytay nang makatanggap ng ulat na may nasusunog ngang warehouse.
Ayon sa BFP Taytay, sa ikalawang palapag ng gusali nagsimula ang apoy. Dagdag pa nila na nasa 2,000 square meters ang total area ng nasunog.
Natupok sa gusali ang mga nire-repack at mga naka-stock na damit.
Samantala ligtas naman ang dalawang gwardiyang bantay sa nasabing nasunog na gusali.
“Sa usok palang po kanina nakina na po nila, sinubukan na po nilang apulahin ng fire extinguisher, yung hindi po nila kaya lumabas na po sila,” ayon kay Taytay Fire Marshall Insp. Gary Raymond Cantillon sa ulat ng Teleradyo, Miyerkules.
Napasugod naman sa lugar ang may-ari ng nasunog na building.
Ayon sa kanya, higit 15 taon na nilang nire-rentahan lang ang ikalawang palapag ng building.
“'Yung building naman namin solid yan puro semento naman yan kung tutuusin wala namang (masusunog), hindi basta masusunog yan kasi puro bakal semento yan” ani William Sy na may-ari ng nasunog na warehouse, Miyerkules.
Pinagpapasalamat ng mga residente na hindi na ito kumalat dahil residential area ang katabi nito.
Idineklarang fire confined na ang sunog o hindi na kakalat pa bandang pasado alas-3 ng madaling araw.
Kasalukuyan nang inaalam ng BFP ang posibleng sanhi ng sunog at ilan ang halaga ng pinsalang dulot nito. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan
- Latest