MANILA, Philippines — Pinakikilos ng isang mambabatas ang Department of Trade and Industry (DTI) upang imonitor at pigilan ang inaasahang pagtaas ng school supplies kaugnay ng full face-to-face classes sa taong ito.
Ayon kay 2nd District Quezon City Rep. Ralph Tulfo, dapat magpatupad ng price ceilings ang DTI sa presyo ng mga school supplies sa halip na Suggested Retail Price (SRP).
Inihayag ng solon , nababahala siya na dahilan sa mataas na presyo ng mga school supplies ay mapagkaitan ng edukasyon ang mga estudyanteng mula sa mahihirap na pamilya.
Ito’y sa gitna na rin ng krisis sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic at maging sa serye ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Sinabi ni Tulfo na kung tataas ang presyo ng school supplies at maging ng tuition fees ay maraming mga estudyante ang hindi na makakabalik eskuwela.
Una nang inihayag ni Department of Education Secretary at Vice President Sara Duterte na magbabalik eskuwela na ang mga estudyante sa Agosto pero ang full face-to-face classes ay isasagawa na muli sa darating na Nobyembre ng taong ito.