MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng kilabot na ‘Loloy Fernandez Drug group’ ang dinakip sa pagbibitbit ng mga baril, iligal na droga at pampasabog, sa isang basketball court sa Taguig City, Huwebes ng gabi (Hulyo 14).
Kinilala ang mga suspek na sina Paul Adrienne Patricio, 20; Ron Bryan Esteban, 21, at Mark John Esteban, 27.
Sa ulat, dakong alas- 8:30 ng gabi ng Huwebes nang maaresto ang mga suspek sa basketball court sa J.P. Rizal St., Brgy. Tuktukan, Taguig City.
Nabatid na inalarma ng isang tauhan ng barangay intelligence network ang Taguig Police hinggil sa presensya ng mga suspek na armado ng mga baril na kaagad namang bineripika ng mga tauhan ng SWAT sa utos ni Taguig City Police chief, P/Colonel Robert R Baesa.
Sa procedural search, nakumpiska ang isang kalibre 9mm pistol Shooter Guardian na may isang 9mm guardian magazine at 3 bala; isang cartridge 40mm explosive, isang fan knife/balisong; 5 plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga ng ?98, 150.00; kalibre 38 ARMSCOR 200 rev at kargado ng tatlong bala.
Ayon sa pulisya, ang ‘Loloy Drug Group’ ay sangkot sa paglaganap ng ilegal na droga sa Taguig City. Ang nasabing grupo ay sangkot din sa sunud-sunod na insidente ng pamamaril sa Taguig City na ang mga biktima ay mga nabigong magremit ng kinuhang droga.