MANILA, Philippines — Isang ambulansya na ginagamit umanong pampasada ang natiketan ng I-ACT Task Group –Special Operations Unit (SOU) sa Macapagal Boulevard, sa Parañaque City, kamakalawa ng umaga
Nabatid mula sa ulat ni I-ACT SOU Commander Ret. Colonel Manuel Bonnevie, ilang araw na isinailalim sa surveillance ng Inter Agency Council For Traffic Special Operations Unit Team Alpha, kaya nabuko ang modus operandi ng driver ng ambulansya na kinilalang si Augusto Nazareno ng Rosario, Cavite.
Sa pangunguna ni Ret. Col. Bonnevie, hinarang ang ambulansiya sa Macapagal Boulevard, sa Parañaque City na markado pa logo ng “Republic of the Philippines-Department of Health” na may sampung pasahero kabilang ang isang sanggol na nagsisiksikan sa loob.
Nang tanungin, iba-iba umano at hindi magkakatugma ang sinasabing destinasyong ospital ng mga sakay at wala ring masabi ang driver kung saang ospital maghahatid.
Kinuwestiyon din ang driver dahil sa walang akmang suot na personal protective equipment, walang seat belt at walang rehistro ng ambulansya.
Pinababa ng mga operatiba ang lahat ng sakay ng ambulansya at kinumpiska ang lisensya ng driver.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng I-Act ang lahat ng emergency vehicle operators sa bansa na maging tapat sa tungkulin, sumunod sa mga panuntunan ng nasasakupang ahensya ukol sa paggamit nito.
Hinihikayat din ng task force ang lahat ng road users na magbigay-daan pa rin sa lahat ng emergency vehicles lalo na kapag nakabukas ang lights at mga sirena.
May malaki naman umanong pananagutan sa batas, ang sinumang hindi magbibigay daan sa mga emergency vehicle.