Libreng dialysis sa Ospital ng Parañaque
MANILA, Philippines — Magkakaroon ng mga libreng serbisyo tulad ng hemodialysis at iba pa sa Ospital ng Parañaque I, simula sa darating na buwan ng Agosto bilang bahagi ng programang pangkalusugan ni Mayor Eric Olivarez.
Sinabi ni Olivarez, na pasisinayaan na ang mga bagong pasilidad at kagamitan sa OsParI sa susunod na buwan, at libre umano ang marami sa mga serbisyo sa pamamagitan ng isang public-private partnership o PPP.
“Magkakaroon tayo ng blessing ng ating bagong CT scan, hemodialysis machine at iba pang pasilidad sa isang,” aniya. ”Bukod dito, magagamit na uli natin ang ating intensive care unit o ICU na natapos nang isaayos”.
Balak din ng pamahalaang lungsod na magtayo ng bagong gusaling may anim na palapag para sa OsParI upang maibsan ang siksikan sa naturang ospital at magkaroon ng dagdag na mga pasilidad at kuwarto.
Si Olivarez ang isa sa mga pangunahing may akda ng Universal Health Care Act noong siya ay kongresista pa lamang, at isa sa mga prayoridad niya bilang alakde ang kalusugan ng mga mamamayan.
“Makaaasa po kayong gagawin natin ang lahat ng kinakailangan upang matiyak na abot-kaya at maayos ang health delivery natin para sa mga mamamayan ng Parañaque,” dagdag ni Olivarez.
Ayon naman kay Dr. Jefferson Pagsisihan, direktor ng OsPar1, isang pribadong kumpanya ang magpapatakbo ng mga pasilidad ng ospital kasama na ang pharmacy at laboratoryo sa ilalim ng PPP.
- Latest