MANILA, Philippines — Napigilan ang posibleng paghahasik ng karahasan ng isang lalaki na inaresto ng mga tauhan ng InterAgency Council for Traffic (I-ACT) at Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa ‘bangag’ umano sa ilegal na droga at armado ng ice pick sa may EDSA Monumento Busway sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Sa Facebook post ng PCG, unang napansin ng isang concerned passenger dakong alas-11:50 ang lalaki na may dalang ice pick sa loob ng sinakyang bus. Agad siyang bumaba at iniulat ito sa mga tauhan ng Task Force.
Agad na sumampa ng bus sina I-ACT Team Falcon Team Leader Bong San Diego, I-ACT Secretariate Ron Jared Pejer, CG SN1 Apang, at CG ASN Mateo para disarmahan at hulihin ang armadong lalaki.
Napansin ng mga operatiba na ito ay nasa impluwensya ng ilegal na droga dahil wala umano ito sa sarili at hindi alam ang kanyang pagkakakilanlan.
Nakumpiska sa kanya ang ilang patalim, ice pick, at hinihinalang sumpak. Isinuko na siya sa Caloocan PNP na siyang magsasampa ng kaukulang kaso.