MANILA, Philippines — Isang motorcycle rider at kaniyang angkas ang patay makaraang sumalpok sa tagiliran ng isang umaandar din na trailer truck sa Ermita, Maynila kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Jake dela Cruz, ng Brgy. Pineda, Pasig City at si Brix Urot, ng Sitio Udioncan, Macabud, Montalban, Rizal.
Nasa kustodiya ngayon ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang suspek na si Randy Layda, drayber ng trak.
Sa inisyal na ulat ng MPD-MDTEU, naganap ang insidente dakong alas-3:15 ng madaling araw sa kanto ng United Nations Avenue at San Marcelino Street sa Ermita.
Nabatid na dumaraan ang motorsiklo na minamaneho ni dela Cruz sa westbound lane ng UN Avenue nang pagsapit ng panulukan ng San Marcelino Street ay sumalpok ito sa tagiliran ng trak na minamaneho ni Layda.
Dahil dito, tumilapon sa kalsada ang dalawang sakay ng motorsiklo na nagresulta ng kanilang agad na pagkasawi.
Dinala na ang kanilang mga labi sa Cruz Funeral habang nakatakdang sampahan ng kasong double homicide through Reckless Imprudence si Layda.