MANILA, Philippines — Himas-rehas ang 19-anyos na lalaki na nanloob sa bahay ng aktres at kasalukuyang barangay chairwoman na si Angelika Dela Cruz, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Sa ulat na tinanggap ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dakong alas-3 ng madaling araw nang pasukin ni Steven Ramos, residente ng C4 Road, Brgy. Bagong Bayan North, Navotas City ang bahay ng aktres sa Gen. Borromeo St., Brgy. Longos sa pamamagitan ng pag-akyat sa bakod at pagdaan sa sliding window ng bintana sa gilid ng bahay.
Pinasok nito ang kuwarto ng kapatid ni Angelika at aktres din na si Mika dela Cruz, o Mariko Nicolette Egger Dela Cruz, 23, at sinamsam ang alahas, gadget at dolyar nito.
Subalit mabilis na nagising si Mika at humingi ng tulong sa mga kaanak ang pamilya Dela Cruz na agad nakatawag ng barangay tanod at pulis.
Nang dumating sina Pat Alexis Flores at Pat. Noel Tindugan ng Malabon Police Sub-Station 5, kasama ang mga barangay tanod ng Barangay Longos, nakita ang suspek na nagtatago sa ilalim ng isang kama na nasa loob ng stock room.
Nakuha kay Ramos ang mga kinulimbat na alahas, gadget at dolyares na may kabuuang halagang P182,000.00 at isang patalim.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Malabon Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ang suspek na nakatakdang ipagharap ng kasong robbery sa Malabon City.