MANILA, Philippines — Nanawagan sa pamahalaan ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na tanggalin na ang excise sa langis upang mapababa ang halaga ng petroleum products.
Ayon sa Piston, dulot ng excise tax sa langis lalong tumataas ang halaga ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Anila dahil sa taas ng presyo ng gasolina at krudo ay hindi na nila maramdaman ang kabutihang dulot ng P3 rollback sa presyo ng petrolyo at ang dagdag na P2 sa minimum na pasahe sa jeep.
Kung maaalis anila ang buwis sa langis, magkakaroon ng dahilan para maibaba pa ang presyo ng petroleum products sa bansa.
Anila kulang na kulang ang kita na naiuuwi nila sa pamilya na halos wala na maipambibili ng panggastos sa pamilya dahil mataas din ang presyo ng bilihin.
Ang grupo ng Piston ang humihiling sa pamahalaan na gawing P15 ang minimum fare sa jeep para makabangon mula sa matinding epekto ng oil price hike at mataas na bilihin.
Sa ngayon ay P11 ang minimum na pasahe sa jeep at P13 sa airconditioned jeep.