DPOS nagbabala sa pasaway na motorista
MANILA, Philippines — Binalaan ng Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Quezon City ang mga pasaway na motorista na sundin ang batas trapiko sa lansangan para hindi mahuli at maparusahan.
Ang babala ay ginawa ng DPOS nang pormal nang simulan kahapon ang implementasyon ng ‘No Contact Apprehension’ sa lungsod na may katapat na kaukulang parusa sa mga motoristang mahuhuling lalabag sa batas trapiko at ordinansa hinggil dito.
Magugunitang matapos aprubahan ng QC Council ang pagpapairal ng ‘No Contact Apprehension’ sa QC kamakailan ay apat na buwan munang isinagawa ang trial period na tuluyan na ngang sinimulan kahapon, Hulyo 1.
Ipatutupad ang naturang programa partikular sa anim na lugar sa QC sa bahagi ng P. Tuazon – 13th, P. Tuazon – 15th, E. Rodriguez – Hemady, E .Rodriguez – Tomas Morato, Kamias – Kalayaan, at East Avenue – BIR.
Padadalhan na lamang ang mga may-ari ng sasakyan ng notice of violation 14 na araw matapos makunan sa CCTV ang ginawang paglabag.
Kinakailangan na mabayaran ang traffic violation ticket sa loob ng 30 araw matapos matanggap ang notice of violation at kung hindi agad mababayaran ay magkakaroon ng dagdag na 5 percent surcharge hanggang sa mabayaran.
Bibigyan naman ng QC LGU ang LTO ng kopya ng traffic violation ng motorista na hindi magbabayad ng penalty at palalagyan ng alarm para maimpormahan bago mairehistro ang sasakyan.