MANILA, Philippines — Winasak na ng pamahalaan ang ilegal na droga na nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa operasyon sa Infanta, Quezon noong Marso 15, 2022 na nagkakahalaga ng P11 bilyon.
Sinabi ni NBI Director Eric Distor na isinagawa ang pagsira sa ilegal na droga sa pasilidad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Integrated Waste Management Inc. (IWMI) sa Trece Martirez, Cavite kamakailan.
Anim na tauhan ng NBI-Forensic Chemisty Division ang nagtungo at sumaksi sa naturang pagsira sa mga ilegal na droga na naisagawa sa bisa ng kautusan ng korte.
Nakilahok umano ang mga NBI chemists sa paglalagay sa mga ilegal na droga sa loob ng ‘pyrolysis machine’ habang ang ibang tauhan nila ay kumuha naman ng mga litrato at nagmasid.
Matatandaang Marso 15, 2022 nang masabat ng mga operatiba ng NBI- Task Force Against Illegal Drugs (TFAID), NBI-Research and Analysis Division (RAD) at Lucena District Office (LUCDO), ang 10 lalaki sa may Brgy. Comon, Infanta at nasabat ang P11 bilyong halaga ng ilegal na droga sakay ng tatlong commuter vans.
Ang naturang operasyon ang ikinukunsidera na siyang pinakamalaking halaga ng nakumpiskang ilegal na droga sa kasaysayan ng Pilipinas.