MANILA, Philippines — Sumuko na kahapon si Jose Antonio Valmonte Sanvicente, ang driver ng sports utility vehicle (SUV) na sumagasa sa isang guwardiya ng mall sa Mandaluyong City, kamakailan.
Kasama ang kanyang mga magulang, humarap kay PNP officer-in-charge, Lt. Gen. Vicente Danao Jr., si Sanvicente at isinuko rin ang SUV na Toyota RAV 4 (NCO 3781) na pinakamahalagang ebidensiya sa kaso.
Ayon kay Danao, kanatwiran ng kampo ni Sanvicente natakot at nagpanik ito nang mabundol at masagasaan niya ang security guard na si Christian Joseph Floralde, 31, noong Hunyo 5.
Pinayuhan ni Danao ang pamilya ni Sanvicente na humarap sa publiko para depensahan ang sarili at para humingi na rin ng paumanhin sa pangyayari.
“My apologies sa nangyari. My apologies kay Mr. Floralde at kanyang pamilya,” pahayag ni Sanvicente.
Naisampa na sa Mandaluyong City Prosecutors Office ang kasong frustrated murder laban sa suspect.
Una nang binawian ng Land Transportation Office (LTO) ng kanyang lisensiya si Sanvicente, na nadiskubre na tatlong beses nang nahuli dahil sa ‘reckless driving na naitala noong 2010, 2015 at 2016.
Martes nang ihayag ng PNP na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bureau of Immigration para sa ‘lookout bulletin order’ ng Department of Justice laban sa suspect at mamonitor kung may tangka itong lumabas ng bansa.