Free rides, handog ng LRT-1 at 2 sa kanilang commuters ngayong Araw ng Kalayaan
MANILA, Philippines — May handog na free rides o libreng sakay ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) para sa kanilang mga suking commuters ngayong Linggo, Hunyo 12.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-1, at sa Light Rail Transit Authority (LRTA), na siya namang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2, ang naturang libreng sakay ay bilang pakikiisa nila sa pagdiriwang ng bansa sa ika-124 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Anang LRTA, maaaring i-avail ng mga pasahero ang libreng sakay mula 7:00AM hanggang 9:00AM at mula 5:00PM hanggang 7:00PM.
“Libreng sakay para sa LRT-1 passengers sa darating na Araw ng Kalayaan (June 12, 2022) mula 7am- 9am at 5pm-7pm,” anang LRMC.
Matatandaang patuloy pa rin namang nagkakaloob ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng libreng sakay sa kanilang mga pasahero hanggang sa Hunyo 30, 2022.
Samantala, nabatid na bukod sa libreng sakay, hahandugan din ng LRMC ang kanilang mga commuters ng abot-kayang beep cards.
“Mas ABOT-KAYA nang magkaroon ng beep dahil makakabili ka na ng bagong beep card na may kasamang load sa halagang PHP50 (mula sa dati nitong presyo na PHP100!” anang LRMC.
Anang LRMC, ang naturang special promo ay available mula Hunyo 12 hanggang Setyembre 30, 2022.
Maaari anilang makabili ng mga naturang murang beep cards sa mga teller booths ng LRT-1.
- Latest