2 Koreano, huli ng BI sa panggagantso

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang dalawang  Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa panggagantso sa ikinasang mga operasyon sa Maynila at Pasig City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga nadakip na sina Lee Choungeon, 43, at Kim Seongku, 45.

Nadakip si Lee sa mismong tanggapan ng BI sa Intramuros, Maynila nang tangkain niya na mag-aplay ng ekstensyon ng kaniyang tourist visa nitong Lunes ng umaga. Nakita ng mga tauhan ng BI ang kaniyang rekord dahilan para agad ikasa ang pag-aresto rito.

Sa rekord, nahaharap sa warrant of arrest si Lee mula sa Daejeon district court sa Hongsung, South Korea. Miyembro umano siya ng isang sindikato na tumangay ng malaking pera sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng voice phishing.

Naaresto naman si Kim sa loob ng isang condominium complex sa Pasig sa bisa ng warrant of arrest mula sa Seoul central district court dahil sa kasong ‘electronic fraud’.

Umabot na umano sa kabuuang P613 milyon ang natangay ng suspek sa pangha-hack sa ‘block chain accounts’ ng kaniyang mga biktima, at pagnanakaw ng ‘crypto currencies at bitcoins’.

Show comments