MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa P68 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska mula sa dalawang drug suspects na napatay matapos manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. UP Campus, Diliman, Quezon City nitong Lunes.
Isa sa mga napatay na suspek ay nakilala lamang sa alyas na Uncle/Angkol, nakasuot ng black shirt at black short pants, habang ang isa pa ay inilarawan lamang na nakasuot ng black shirt na may print old navy sa harapan at denim maong pants, at kapwa armado ng kalibre .45 pistola.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na dakong alas-3:45 ng hapon nang maganap ang engkuwentro sa kahabaan ng Pook Arboretum Road sa Brgy. UP Campus.
Ayon kay PCpl Granger Gacusana, bago ang engkuwentro ay nagsagawa ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng QCPD, sa pangunguna ni PLT Roland Vergara, ng buy-bust operation sa nasabing lugar.
Nakatunog naman umano ang mga suspek na mga pulis ang katransaksiyon kaya’t bumunot ng baril ang mga ito at nanlaban upang makatakas sakay ng isang itim na Honda CRV.
Kaagad naman silang hinabol ng mga pulis na gumanti na rin ng putok at tinamaan ang mga suspek.
Naisugod pa ang mga ito sa East Avenue Medical Center ngunit idineklara na rin silang patay ng mga doktor.
Nakarekober ang mga awtopridad ng nasa 10 kilo ng hinihinalang shabu, na nakalagay sa Chinese tea bags at nagkakahalaga ng P68 milyon, mula sa loob ng sasakyan ng mga suspek.
Masusi nang iniimbestigahan ng QCPD kung sinong grupo ang may hawak sa mga nasawing suspek.