MANILA, Philippines — Tatlong magkakapatid na paslit ang nasawi habang tatlo pang miyembro ng kanilang pamilya ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa kanilang tahanan sa Brgy. Tatalon, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Halos hindi na makilala ang mga bangkay ng magkakapatid na sina Princess Sophia del Rosario, 9; Reness Mae, 8; at Alvin, 4 matapos ma-trap sa nasusunog nilang silid.Sugatan naman ang kanilang ina na si Jude Marie Santos, na ginagamot sa East Avenue Medical Center, gayundin ang stepfather nila na si Bayani Alimagno at ang kanilang panganay na anak na si Akesha Mae, dahil sa tinamong minor injuries.
Nailigtas din ang bunsong anak nina Santos at Alimagno, na apat na buwang gulang matapos na maihagis sa bintana at masalo ng kapitbahay.
Batay sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), alas-4:15 ng madaling araw habang mahimbing na natutulog ang mag-anak nang sumiklab ang apoy sa isang bakanteng silid ng tatlong palapag na tahanan na matatagpuan sa 96 Kaliraya St., Bayanihan Alley, sa Brgy. Tatalon na pagma-may-ari ng isang Lourdes Santos.
Ayon kay Alimagno, nagising na lamang ang kanyang asawang si Jude Marie at nagulantang nang makitang puno na ng usok ang kanilang silid.
Nang buksan ang pintuan ng kuwarto, sinalubong na sila ng makapal na usok.
Kaagad umanong gumapang si Bayani at kinarga ang sanggol at nagtatakbo patungo sa ikalawang palapag.
Inihagis umano niya ang sanggol sa bintana upang mailigtas ito at saka tinangkang balikan ang mga biktima ngunit hindi na kinaya dahil malaki na ang apoy.
Bagama’t sugatan na rin, nagawa ng mag-asawa at kanilang panganay na anak, na makatalon mula sa bintana sa second floor at masuwerteng nakaligtas.
Umabot lamang ng unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-5 ng umaga.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng faulty wiring ang pinagmulan ng sunog ngunit masusi pa nila itong iniimbestigahan sa ngayon.
Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa humigit-kumulang sa P50,000 ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa sunog.