MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng ‘Legaspi drug group’ ang nasakote kung saan nasamsam sa kanila ang mahigit sa P.3 milyong halaga ng ilegal na droga at armas sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Navotas, nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ni Navotas City Police Chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspect na sina Sandy Garcia, 43 at Rico Garcia, 37; kapwa ng Brgy. Tangos North sa siyudad na ito.
Ayon sa ulat, dakong ala-1 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng buy-bust operation sa Buenaventura St., Brgy. Tangos North, kasabay ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO).
Ang suspect ay inaresto sa aktong tinatanggap ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.
Nakumpiska pa sa mga suspek ang aabot sa 50.03 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P 340, 204.00, marked money, cal. 38 revolver na kargado ng limang bala at drug parapehrnalia.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang mga suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at karagdagang kasong paglabag sa RA 10591 in relation to Omnibus Election Code ang kakaharapin naman ng suspect na si Sandy.