MANILA, Philippines — Sinabi ni Senator-elect at Sorsogon Gov. Chiz Escudero nitong Biyernes na maganda ang naging dating sa sektor ng negosyo at international community sa pagtatalaga ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang economic team dahil na rin sa kanilang mayamang karanasan at pagiging dalubhasa sa larangan na maaaring makapagbibigay ng pag-unlad at katatagan sa ating ekonomiya sa harap ng nangyayaring pandemya.
Ito ang inihayag ni Senator-elect at Sorsogon Gov. Chiz Escudero kahapon.
Ayon kay Escudero, nasa tamang direksiyon ang nominasyon kina Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Benjamin Diokno bilang secretary of finance, dating University of the Philippines president Alfred Pascual bilang trade and industry secretary, Monetary Board member Felipe Medalla bilang kapalit ni Diokno sa BSP, at dating Socio-economic Planning Sec. Arsenio Balisacan bilang hepe ng National Economic and Development Authority (NEDA) na dati na niyang hinawakan sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino.
“All are known and competent in their respective fields and President-elect Marcos’ economic team should inspire confidence from the business sector and the international community.
The appointments send a strong message as a whole that our country is headed in the right direction and will sustain the stability and growth of our economy,” ani Escudero na pinamunuan ang Senate Committee on Finance noong 16th Congress.“
Sinabi ni Escudero na wala siyang nakikitang magiging problema sa Commission on Appointments (CA) kapag isinumite na ang kanilang mga pangalan para sa kompirmasyon lalo’t kung wala namang mabibigat na isyung lulutang upang mapigilan ang kanilang mga nominasyon.