MANILA, Philippines — Wala pa ring magaganap na taas-pasahe sa linya ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) matapos na hindi pa rin mapagbigyan ng Department of Transportation (DOTr) ang fare hike request ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), na siyang private operator nito.
Ang pahayag ay ginawa ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan, kasunod nang paghahain ng kaso ng LRMC laban sa DOTr at Light Rail Transit Authority (LRTA) nitong unang bahagi ng buwan, dahil sa umano’y kawalan nito ng aksyon sa kanilang fare adjustment applications at umano’y pagkabigong ma-meet ang iba pang istipulasyon ng kanilang concession agreement.
Nabatid na humihingi ang LRMC ng P2.67 bilyong halaga ng kumpensasyon, base sa isinagawang estimates hanggang noong Marso 31.
Anang naturang private operator, ‘long overdue’ na ang naturang fare hike dahil tatlong ulit na umano nila itong hiniling noong mga nakalipas na taon.
Sinabi pa ng LRMC na ang taas-pasahe na hinihingi nila ay makatutulong sa kumpanya upang mabawi ang kanilang investments para sa isinagawang LRT-1 enhancements at ekstensiyon ng railway hanggang sa Cavite area.
Nabatid na sa kasalukuyan, ang halaga ng pasahe sa LRT-1 ay mula P15 hanggang P30 lamang.
Ayon naman kay Batan, hindi pa rin nila mapagbigyan ang kahilingan ng LRMC na magtaas ng pasahe, bunsod na rin nang patuloy na pagtaas ng consumer prices.
Tiniyak naman ni Batan na pinag-aaralan pa ng DOTr sa ngayon ang susunod na hakbang hinggil sa kasong inihain ng LRMC.