MANILA, Philippines — Muling nakasamsam ng mga ilegal na droga, mga patalim at iba pang kontrabando ang mga awtoridad sa ikinasa nilang ikalawang ‘Oplan Greyhound’ sa loob ng Quezon City Jail.
Ayon sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Mayo 20, 2022 nang ikasa nila ang ikalawang operasyon sa loob ng male dormitory ng naturang bilangguan.
Isinailalim umano sa demolition work ang storage area, gamit ang jackhammer at sledge hammers, gayundin ang apat na metal detector na donasyon ni Quezon City Police District (QCPD) Director BGen Remus Medina para tumulong sa pagtuklas at pagkuha ng mga kontrabandong nakatago sa ilalim ng sementadong sahig ng mga selda ng kulungan.
Nabatid na kabuuang 53.1928 gramo ng shabu ang magkakahiwalay na nadiskubre sa ilalim ng mga semento at ilalim ng kahoy na hagdan na patungo sa mezzanine.
Mayroon ring narekober na maliliit na pakete ng marijuana na may timbang naman na 3.6680 gramo.
Matatandaang kamakailan ay nagsagawa na rin ng Oplan Greyhound ang mga awtoridad sa QC Jail matapos ang naganap na staged riot na ikinasa ng mga preso na ang layunin umano ay mapatalsik ang kasalukuyang warden ng piitan.
Sa nasabing operasyon, nadiskubre ng mga otoridad ang isang armory na naglalaman ng iba’t ibang uri ng armas, gayundin ang ilang ilegal na droga at mga kontrabando.