Sa pagsisimula ng canvassing ng kongreso
MANILA, Philippines — Todo-bantay ang mga pulis sa paligid ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, kasunod na rin nang pagsisimula na ng canvassing ng mga boto para sa May 9 presidential at vice presidential race kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Spokesperson PMaj. Wennie Ann Cale, nasa 3,086 mga pulis ang ipinakalat upang magbantay sa paligid ng Batasang Pambansa.
Sa nasabing bilang, nabatid na 2,155 ay mula sa QCPD habang ang iba pa ay mula naman sa iba pang distrito ng pulisya.
Sinabi ni Cale na isinara rin sa daloy ng trapiko ang IBP Road bilang bahagi ng security measures.
Maaari naman aniyang dumaan ang mga motorista sa Litex Road para sa alternatibong ruta.
May mga pulis ding itinalaga sa mga istratehikong lugar sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para bantayan ang mga nagpaplanong magsagawa ng kilos protesta doon.
Pinayuhan naman ng Philippine National Police (PNP) ang mga grupong nais magsagawa ng rally habang isinasagawa ang congressional canvassing ng mga boto, na kumuha muna ng permits mula sa local government unit (LGU), maging sa mga pulis.
Ayon kay PNP Directorate for Operations head PMGEN Valeriano de Leon, bagamat ipinatutupad nila ang maximum tolerance, ay hindi sila mangingiming gamitin ang batas kung ang mga demonstrador na magiging marahas.