MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa 38 pang pamilya sa tinitirikan ng kanilang mga bahay sa lungsod.
Bunga nito, matatawag nang sariling lupa ng mga benepisyaryo ang lupang kinatatayuan ng kanilang bahay na matagal na nilang inookupahan.
Ayon kay Mayor Belmonte, naipamigay ang titulo sa pamamagitan ng Direct Sale Program ng lungsod.
Kasama ni Belmonte sa pamimigay ng land title ang representatives ng Housing and Community Development Resettlement Department (HCDRD).
Kabilang sa mga benepisyaryo ng programang ito ni Mayor Belmonte ay ang mga residente mula sa Barangay Baesa (Asamba), Escopa III (PUD SITE), Bagong Silangan (Proper), Bagong Silangan (Covenant), Kaligayahan (Phase II), Fairview (Sitio Ruby), Brgy. Novaliches Proper (Fantasy HOA), Brgy. Bungad, Brgy. Sto. Niño, Brgy. Payatas (Sandig), at Brgy. Kaligayahan (QCHP No. 2).
Sa ilalim ng Direct Sale Program, naging lehitimong may-ari ng lupa ang mga residente na matagal nang naninirahan sa lote na pagmamay-ari ng gobyerno.
Ayon kay Belmonte, nabayaran ng mga benepisyaryo ang halaga alinsunod sa terms of payment ng lokal na pamahalaan.
Simula noong 2019, mahigit 340 QCitizen families na ang nabigyan ng titulo ng kanilang lupa sa ilalim ng administrasyong Belmonte.